Malugod akong pinanganak sa mundo. Minsan ba naiisip mo kung paano nagsisimula ang iyong panaginip? Ang hirap mamalayan na walang malay na ang katawan mo. Naaalala mo ba kung paano ka pinanganak, pinaltan ng diaper at kinayamutan ng mga magulang mo noong iyak ka pa ng iyak dahil wala ka ng gatas? Alin ba ang totoo? Nananaginip ba ako ngayon porket hindi ko alam kung paano ako nagsimulang mabuhay?
Tapos na naman ang isang taon. Para sa mga masasaya, ang bilis ng panahon, pero para sa mga matagal ng naghihintay ng pag-asa, ang tagal-tagal. Hindi ko masasabing marami akong katulad sa mundo. Hindi ko rin masabing ibang-iba ako sa lahat. Sa tuwing matatapos ang taon, lagi tayong nag-iisip tungkol sa ating buhay. Mapamababaw man o mapakasing lalim ng pinaghuhugutan ng isang makata. Iniisip mo kung naging masaya ba ang taon mo, kung may gusto kang baguhin o kung sasabog na ba ang mundo ngayong 2012.
Enero nitong huling taon. Namomroblema ka na naman kasi hindi mo nasulit ang bakasyon mo ngayong pasko. Hindi mo rin alam kung saan mo gagastusin ang napamaskuhan mo ng hindi ka manghihinayang. Iniisip mo na ang magiging horoscope mo ngayong taon at kung bahagya kang maniniwala sa kung anumang prediksyon na kumakalat sa buong mundo. Swerte raw ang ganitong kulay, ang ganitong alagang isda at huwag kang makipaghahalubilo sa isang taong pinanganak sa gantong petsa. Ang labo. Pero naniniwala tayo, sinasakyan natin at natutuwa pa tayo, dahil Pinoy tayo. Ilang taon na rin tayong sinasabihang wag magpaputok pero najojologsan ka sa torotot. Masaya pa rin ang may sarili kang mga armas at bala kaysa sa makikinood ka na lang sa mga kapitbahay na may sinturon ni hudas.
Pebrero. Ang pinakamabilis na buwan sa buong taon at ang pinakamatagal sa mga sawi sa pag-ibig. Lahat ng gimik ng media iinggitin ka, lahat ng mga katulad mo dadamayan ka. Haha! Sige, siguro sapat na tong eksplanasyon na to para ipaliwanag ang punto KO. Marso, nangangatal ka na gutom, ubos na ang pera mo, kating-kati ka na sa bakasyon at tambak ka pa rin ng trabaho pero may Finals ka pa at hindi ka pa makahinga ng maluwag. Sinusubukan mo ng makaipon para sa bakasyon ay may pera ka pero heto pa rin ang makulit mong mga prof para katasin ka at pigain. Kung wala ka mang gagastusang project, mauubos rin ang pera mo sa pagkain dahil depressed ka, gutom ka at hindi mo alam kung may ilalim pa ba ang tyan mo.
Abril. Sabi mo sa sarili mo, magpapakasaya ka ngayong bakasyon. Pero unang gabi pa lang ng bakasyon malakas na ang hatak ng gravity ng kama. Sabi mo rin, babawiin mo lahat ng pinuyat mo sa finals, pero inabot ka na ng alas tres sa kompyuter. Gigising ka ng tanghalian na. Ubos na ang pagkain, magluluto ka pa ng sarili mo. Papagalitan ka ng mga magulang mo kasi tatamad-tamad ka. Hindi mo raw sinusulit ang bakasyon mo. Sabi mo sa sarili mo, gagala ka ngayong bakasyon, mag-aaral kang magluto, magpiano, sumayaw o magkarate. Pero nakadikit ka pa rin sa laptop, naiinip dahil walang nangyayari sa facebook. Iniisip mo, siguro masaya ang bakasyon ng mga kaibigan ko. Pero pare-pareho rin lang pala kayong nakatambay sa bahay at nagbibilang ng butiki kapag naiinip ng huminga.
Mayo. Dito sa amin maraming pyesta. Ang mga tao kung maghanda akala mo walang problema sa buhay. Iniisip mong nangalahati na ang bakasyon kaya’t susulitin mo na. Sapat na yung isang buwan ng Abril na hindi ka na nakatulong sa sarili mo. Ubos na ang katamaran mo dapat sa pagtulog. Pakonti-konti ka pang sumisilip sa facebook. Pinipilit mo ng mabuhay! Pinipilit mo ng sulitin ang huling araw ng kasayahan! Bago magpasukan. Pero sa isang banda, naisip mong namimiss mo na ang mga tropa mo. Wala ka ng kausap kundi ang kapatid mong makulit at ang mga magulang mong utos ng utos sayo. Nababagot ka na. Pero wala kang maggawa dahil wala kang pera. O, sige. Ang sabi mo sa sarili mo. Gusto ko ng magpasukan para may baon na ko.
Pasukan na. Sabay buhos ng ulan. Sabay biglang init. Sabay pasok sa aircon. Hindi mo alam kung tama bang nag-enroll ka ngayong sem dahil sa kung anu-ano na namang trip sayo ng panahon. Kung kailan ka lumabas ng lungga mo, tsaka ka naman pinipilit na manatili sa bahay dahil sa sakit. Sinwerte ka sa ibang prof at minalas naman sa karamihan. Ang sabi ng iba, mabangis daw mag-grado tong prof na to. May mga kaklase kang bago. Minsan mukhang interisado ko, minsan naman dedma lang. Bahala na. Ang sabi mo sa sarili mo. Kakausapin ko na lang siya pag may itatanong ako.
Lumipas ang panahon. Hindi na mabilang kung ilang beses mong sinasabing “SANA MASUSPEND ANG KLASE”. Naghihintay sa twitter, nag-aabang ng text, nagbabakasakali sa isang suntok sa buwan na pagkakataon. Ilang beses kang nagpupumilit na magpapostponed ng isang paper. At nasa kalagitnaan ka ng taon na hindi mo na namamalayang aba, tatlong buwan na naman pala ang nakalipas. At magpapasko na naman.
Sembreak na. Natutuwa ka dahil may sembreak ka. Yung iba wala. Yung iba isang linggo lang. Samantalang ikaw isang buwan. Ilang beses na ngang nasuspend ang klase mo dahil sa malakas na ulan at baha, isang buwan pa ang bakasyon mo. Atat ka ng kumalas at magpakasarap sa buhay. Panahon na naman ng mga gimik, reunion at party-party. Uwian sa probinsya. Dumadaan ang Halloween at Undas. Nagbibilang ka na kung ilang araw na lang bago magpasko. Sabi nga nila, tayo ang may pinakamahabang pasko.
Matatapos na naman ang taon. Iniisip mo kalahati masaya, kahalati malas ang taon mo. Magpapasko na naman at namomroblema ka na sa mga dumaraming bilang ng iyong inaanak pero hindi naman dumarami ang iyong mga ninong at ninang. Maraming ilaw na ang nasa paligid. Nagkakantahan na ang mga Pilipino na parehong nagdidiwang sa panibagong taon at sa lumipas na buhay. Maraming madaling magsawa. Maraming gusto ng magbago. Hindi naman tayo iba sa mundo kung hinihiniling nating sana.. magkapera tayo. Sana yumaman ako ngayong taon, sana makabawi ako sa grades, at sana maging masaya kaming pamilya.
Bata pa lang ako, sinasabi ko na sarili ko na may pangarap ako. Pero habang tumatanda ako, nagbabago ang pananaw ko sa buhay, ayoko ng maging doktor. Bata pa lang ako, alam kong may tinatago sa akin ang mga matatanda na ayaw nilang matuklasan ko. Sinasabi nila sa akin na pag matanda ka na lang. Tsaka mo malalaman ang lahat. Bata pa rin naman ako ngayon. Katiting pa lang sa dinanas ng mga magulang at mga lolo’t-lola ko. Hindi na ko umaasang hindi ako magugulat kung sakaling may bigla na lang mawala sa akin. Ang sabi nila, mag-aaral ako ng mabuti. Lahat sila sinasabi wag muna magboboypren. Pagsisikapan ko raw ang sarili ko dahil kailangang malayo ang marating ko. May pag-asa raw ako sa mundo, dahil bata pa ako.
Pero 2012 na! Ito na yung taon na napanood ko sa pelikula na magugunaw, iikot, magpapalit-palit ang mga kontinente. Magsasalpukan ang mga bato, sasabog ang mga bulkan, matutunaw ang mga yelo at may isang magliligtas sa lahat. Kalahati ng nasa isip ko sana hindi na lang muna mag 2012. Pero ang sabi nila talaga may pag-asa pa raw ako sa mundo at minsan kahit may mga bagay na di maiiwasang mangyari, sasabihin nila…
BATA KA PA. Marami ka pang taon at may pag-asa ka pa. Huwag mong sayangin ang oras mo… at ang oras namin para sayo…