Sa araw na ito ginugunita ang ika-114th na Araw ng Kalayaan ng ating bansa. Isang daan at labing-apat. Maliit man ito kung ikukumpara mo sa maraming mga dayuhang bansa (partikular na sa mga nasa Amerikano at Europeong baybayin), hindi ito naging hadlang sa naging pag-usbong ng isang republikang mayroong mayamang kultura, pagkakakilanlan, at higit sa lahat, kasaysayan. Sa nakalipas na 114 na taon, naranasan na nating maging tunawan ng samu’t-saring mga pamanang nagmula sa mga dayuhang nakatapak sa ating mga isla. Hanggang ngayon ay nagsisilbing tanda ang mga ito ng kanilang mga nabigo at matagumpay na pagtatangkang lupigin ang ating bansa. Sinisimbolo ng 114 na taong ito kung paano lumaban ang ating mga ninuno sa abot ng kanilang giting at makakaya, alay-alay ang kanilang dugo at pagmamahal, para lamang siguraduhin na walang Pilipino ang hindi mararapatan ng bawat sukat ng lupa na itinakda para sa kanya.
Lupa, bayan, bansa. Bansang para sa bayan. Bayang Pilipino. Araw-araw sa buhay natin, pinapaalalahanan tayo na tayo ay kabilang sa bayang ito. Nakasisiguro din ako na kahit minsan sa ating buhay ay naitanong na natin sa ating mga sarili kung tunay nga ba tayong malaya, sapat nga ba ang mga kilos natin para sa ating bayan, at ano nga ba ang maaari nating magawa para sa pag-unlad natin. Naniniwala ako na ang sagot sa mga katanungan na iyan ay nasa loob lang din ng ating mga sarili. Sa aking palagay, makatutulong kung sa araw na ito ay magbigay tayo ng oras upang tanungin ang ating mga sarili kung ano nga ba ang ibig sabihin para sa atin ng pagkakabilang natin sa bayang ito?, kung ano nga ba ang ating sariling depinisyon ng pagiging Pilipino? Ang mga sagot sa mga tanong na iyan ay walang katiyakan at tanging ikaw lang sarili mo ang nakakaalam at may kakayahang kumilos ukol dito.
Minsan may nakapagsabi sa akin na ang kasaysayan lamang natin ang makapagtatangi sa ating mga Pilipino mula sa ibang lahi. Iyon ay para sa dahilan na kahit na may pagkakapareho ang ilang mga pangyayari sa ating bansa sa iba, iba pa rin ang magiging perspektibo natin sa mga pangyayaring iyon bilang mga Pilipino. Ito ang ilan sa mga kakaunting bagay sa ating pagka-Pilipino na hinding-hindi mananakaw sa atin ng sinuman. Sana ngayong araw na ito ay makita natin na ang pagiging Pilipino ay higit pa sa mga bagay tulad ng pagiging masayahin, mapagtanggap, relihiyoso, ang pagkilala natin ng mangga, Barong Tagalog, Lupang Hinirang, at iba pa bilang mga simbulong pambansa, ang paggamit natin ng wikang Filipino at maging ang mga dayalekto, o ang kahiligan natin sa mga bugtong at alamat. Kung tutuusin, maaaring magbihis ng Barong Tagalog at mag-aral ng ating wika ang isang dayuhan ngunit hindi naman siya kaagad maituturing na isang Pilipino. Sana na sa araw na ito, bilang mga kabatang Pilipino, ay mapagpasyahan nating huwag maging kuntento na manood lamang sa kasaysayan. Sana sa lalong madaling panahon ay magkaroon tayo ng lakas ng loob na makilahok at maging parte ng ating kasaysayan.
Muli, kami sa Pinoy Teens.Net ay naghahangad ng isang masaya at makulay na Araw ng Kalayaan!
John Rizle says
“Sana sa lalong madaling panahon ay magkaroon tayo ng lakas ng loob na makilahok at maging parte ng ating kasaysayan.” <– Isang magandang hamon sa mga kabataan na patuloy na mag-aral, makibahagi at lumahok sa buhay ng malawak na sambayan. Mabuhay ang Pinoy Teens!